top of page
Search
  • Writer's picturePaolo Rafer

Poot ng Itim na Tupa (Tekstong Naratibo)


Patak ng ulan kasabay ng patak ng aking mga luha, hindi pa naggagabi ay sobrang dilim na, ang sikat ng araw na siyang dapat na nagbibigay liwanag sa kalupaan ay nagtago sa kailaliman ng kulimlim ng mga ulap, ang araw na ito’y animoy sumasabay sa lungkot ng aking kaibuturan, ang mundo’y naulinigan siguro ang aking pighati, matapos ang pangayayaring ang matataas na bakod ng aking positibong paniniwala ay nagapi, pagsisisi ko ngayon ay huli na, ganoon naman lagi diba, hindi ba pwedeng ipaalam sa atin ng buhay kung kalian dapat magpatuloy o sobra na at huwag ng ituloy. Huli na! Huli na! Huli na!

“Alam mo ba noong isinilang ka ng iyong ina, sobrang saya ko.’’ Mga salitang binitiwan ng aking ama habang binubuklat ang bawat pahina ng aming luma at inaalikabok nang Photo Album. “Liban doon ay nakaramdam din ako ng kaba, kaba dahil sa responsiblidad na ibinigay sa akin ng Diyos, bilang isang baguhang ama ay wala pa akong karanasan kung paano ka gagabayan ng maayos.” Dagdag pa niya, mababakas sa kaniyang mga mata ang tuwa dahil sumisingkit ito dulot ng mga ngiti habang nagsasalaysay, ngunit sa likod nito’y hindi rin maikukubli ang lungkot dahil sa mga luhang anumang sandali’y may posibilidad na bagtasin ang kaniyang mga pisngi. “Kung nabubuhay pa sana ang iyong ina ay maligaya siyang kasama natin ngayon, ikaw ang anak na perpekto para sa akin, sa mga nakakamit mong parangal, sa iyong pagiging masunurin at mabait na bata, ay wala na akong mahihiling pa.” Lubos akong naawa sa aking ama. “Tay pasensiya na po dahil ako ang dahilan kung bakit wala sa piling mo si Inay ngayon, kung hindi nalang sana ako ipinangak, sana’y masaya ka ngayon.” Bakas sa aking mga binitawang mga salita ang paninisi sa sarili at awa sa aking ama. “Rico, anak, huwag mong sabihin iyan hindi mo kasalan ang nangyari, para sa akin kaloob ka ng Diyos, at nasisiguro kong ganoon din ang tingin ng iyong ina na ngayo’y masaya na sa langit.” Kita ang iritasiyon sa ekspresyon ng kaniyang mukha dahil sa aking mga sinabi. “Pasensiya na po itay.” Natapos ang gabing puno ng pagalala sa mga abong nasunog ng mapait na kahapon.

Lumipas ang mga taon ako na ngayo’y nasa ika-11 baytang sa Senior High School, unang araw ng klase, tulad ng kasanayan ay umuupo ako sa likurang bahagi ng aming silid, bagaman biniyayaan ako ng angking kagalingan sa klase, ay hindi naman ako marunong makihalubilo, siguroy nasanay na ako na kaunti lamang ang taong nakakausap, tulad sa aming tahanan sa bukid na walang kapit bahay at kaming dalawa lang ni tatay. Ang araw na ito ay mistulang parang isang normal na araw lang ng biglang, “Ma’am Sorry I’m late! Ako nga po pala si Athena Vasquez, transferee.” Isang pawisang babae ang pumasok, halata na nagmamadali, hindi pa maayos na nakabutones ang kaniyang uniporme. Maiinit ang ulo ng aming guro sa hindi malamang kadahilanan, tinititigan niya ang bagong dating na estudyante. “Ma’am, papasukin niyo po ba ako o ipapa-Tulfo kita? Biro lang po, pwede na po ba akong umupo?” Patawa-tawang biro ng dalaga. “Oh sige doon sa huli may bakante pa!” galit na sigaw ng guro. Nagulat ako dahil magiging katabi ko siya. “Hi ako nga pala si Athena, ikaw?” Itinuro ko ang aking sarili “Ako?” Pabalik kong tanong. “Oo ikaw, may iba bang nasa harap ko?” Aniya. “Ah pasensiya na, ako nga pala si Fedirico Sanchez Jr.” wika ko sabay lahad ng kamay, nang kunin niya ang aking mga kamay ay parang tumigil ang aking mundo, napansin ko ang kaniyang mapupungay na mga mata, ang kaniyang malaporselanang balat at ang matatamis na ngiti ng kaniyang mga labi, hindi ko napansin na nililipad na pala ako ng aking isipan at may tao pa pala sa harap ko. “Hoy nababaliw ka na ba?” “Bakit parang bigla kang natulala?” Magkasunod na tanong na kaniyang pinakawalan. “Ah pasensiya na ang ganda mo kasi, para kang si Rose Ann, yung artista sa TV, sa Agostino Adorno Channel.” Taranta kong pagpapaliwanag. “Bolero ka pala, huwag mo nga akong paandaran” Tinawanan niya lang ako.

Patuloy ang pag-ikot ng gulong ng aking buhay, kasabay noon ang pagkahulog ng aking loob kay Athena, sa araw-araw naming magkasama ay mas lalo pa akong nahuhulog sa kaniya, na para bang mahihirapan na akong makaahon dahil ako na mismo ang naghuhukay para sa aking sarili. Hanggang isang araw ay desidido na akong magtapat ng aking nararamdaman, para bang sumusugal ng walang kasiguraduhan, kumbaga ang probality ay mas kakaunti pa kaysa sa lotto, pero kailangan, dahil mababaliw ako kapag di ko naamin ito. “Athena, gusto kita, matagal na!” Namula ako sa hiya matapos noon, handa na sana akong tumakbo, ngunit bigla siyang nagsalita. “Ako din gusto kita, hanga ako sayo, lalo na kasipagan mo, lagi mo akong pinapasaya, tapos-“ Di ko na pinatapos ang kaniyang sinabi, at niyakap ko siya ng mahigpit. “Ibig bang sabihin nito Girlfriend na kita?” Nagulat siya ngunit mas nagulat ako sa sinabi niya. “Oo, Girlfriend mo na ako.”

Nang makauwi ako ng aming tahanan ay agad kong ipinaalam kay tatay ang nangyari. “Tay sinagot na niya ako, may girlfriend na ako!” masayang wika ko. “Iyan ba iyong kinikwento mo sa akin lagi?” Tanong niya. “Opo” Sambit ko naman. “Anak, ayos lang sa akin na mag-girlfriend ka basta iyang pag-aaral mo huwag mong pababayaan.” Madamdaman niyang payo. “Opo tay, panagako po.” Sabi ko naman.

Tuwing magkasama kami ni Athena ay sobrang saya ko, ngayon ay 3 buwan na kaming magkasintahan at lagi pa din kaming sabay na umuuwi, sabay na nagtatanghalian sa school at parang normal nalang saamin ang lahat. Ngayong umaga ay hinintay ko siyang pumasok, mukhang huli siyang nagising ngayong umaga, ngunit kahit na ganoon ay hinintay ko pa din siya, dumating siya sakay ng isang Jeep. “Good Morning Babe, pasensiya na nalate ako, nalate kana din tuloy.” Bungad niya. “Okay lang.” Sabi ko naman. Habang naglalakad kami ay panay ang tingin niya sa kaniyang Cellphone, minsan ay bigla nalang ngingiti na sa mga nakalipas na araw ay bihira ko nang makita sa kaniya kapag kasama ako. “Babe anong tinitingnan mo?” Tanong ko sa kaniya. “Ah wala yung kaibigan ko nag text lang.” aniya. Iba ang kutob ko ngayong araw para bang may itinatago siyang lihim. Kung kaya’t pagkahatid ko sa kaniya sa terminal ay nagpaalam na ako, ngunit hindi pa muna ako umalis at nagtago na muna sa likod ng mga sasakyan, nakita ko ang isang puting Chevrolet na kotse ang tumigil sa harap ni Athena, lumingon lingon muna siya bago sumakay, agad akong tumawag ng tricycle upang sundan na ang kotse. “Manong sundan po natin iyong kotseng puti.” Taranta kong sabi. Matapos ng ilang minuto ay tumigil ang kotse sa isang mamahaling restaurant, nakita ko na unang bumaba ang lalaki upang pagbuksan si Athena ng pinto, at sabay silang pumasok doon ng magkahawak ang mga kamay, parang gumuho ang aking mundo sa aking nakita. Totoo ba ito? Tanong ko sa aking sarili. Umuwi akong umiiyak, parang ang kulay ng paligid ay biglang naging kulay abo, marami akong mga tanong, ngunit isa lang ang malinaw, walang permanente at lahat ay nagbabago.

Matapos kong komprontahin si Athena ay nakompirma ko na ang matagal nang bumabagabag sa akin, para akong nawalan ng interes sa lahat ng bagay maging sa pagaaral ay hindi na ako gaanong nagiging aktibo, madalas na din akong lumiliban sa klase, lingid sa kaalaman ng aking ama, na ngayon ay may katandaan na, kita iyon sa mga linyang guhit sa kaniyang mukha, at payukong postura ng kaniyang katawan, para akong nabaliw, kinalimuntan ko na ang mundo. Kung sino ako? Di ko na kilala maging sarili ko. Napabarkada ako at nalulong sa bisyo. “Napapadalas yata ang paguwi mo ng gabi.” Tanong ng aking ama. “Huwag mo nga akong pakialaman!” Pabalang kong sagot na bakas sa mukha ng aking ama ang pagkagulat, hindi na lang niya ako sinagot dahil siguro’y alam niya ang aking pinagdadaanan.

Isang gabi ay hindi ko alam ang nangyayari sa aking paligid umuwi ako ng bahay na parang di kilala ang sarili, binasag ko lahat ng mga bagay na aking makita, impluwensiya ito ng pagtikim ko ng ipinagbabawal na gamot, tuwang-tuwa ako dahil naloko ko nanaman ang aking tatay kanina para sa isang mamahaling proyekto na gawa-gawa ko lang naman, ang limang libong proyekto na sinabi kong sa paaralan heto, binigyan ako ng kasiyahan, langit, langit, lumilipad ako, sumasayaw ang mga upuaan.

“Hoy tanda! Pahinging pera may bibilhin ako.” Bungad ko pagkagising na pagkagising niya. “Pasensiya na anak wala akong maibibigay sa ngayon, diba kahihingi mo palang ng limang libo nung nakaraan, ang ibang pera kasi na natira sa kinita ko sa pagsasaka ay ibinili ko ng mga gamit dito sa bahay, yung mga nasira mo.” Mahinahon niyang sabi na iba ang dating sa akin. “Ipinamumukha mo ba sa akin na yung mga ginawa ko hah!?” sigaw ko sa sobrang iritasyon. “Hindi naman sa ganoon anak, pasensiya na talaga, hayaan mo ibebenta ko iyong naipundar kong kalabaw, para diyan sa gusto mong bilhin, at yung matitira ay para sa pang araw-araw nating gastusin.” Sabi niya. “Mabuti naman kung ganoon!” pasigaw kong tugon. Makalipas ang ilang araw ay may bumili na ng kalabaw ni tatay sa halagang dalawampung libong piso. Hindi ko alam kung anong nag-udyok sa aking sarili na kunin ito sa kaniyang taguan, animoy may bumubulong sa akin na demonyo na gawin iyon, ang temptasyon ng droga ay sadyang hindi nawawala sa aking utak, nang subukan ko ito ay parang gusto ko nang palagiin. Habang tulog ang aking ama ay agad na akong pumunta sa kaniyang silid upang makuha ang pera, nang makuha ko na ito ay hindi ko sinasadyang natabig ang vase na nakalagay sa maliit na patungan, naalimpungatan si tatay na medyo inuubo at kita sa mata ang pagod dahil sa ginawang trabaho sa sakahan. “Rico bakit hawak mo yan?” Tinuro niya ang perang hawak ko, ngunit malumanay pa din ang kaniyang pagkakasabi. “Akin na ito, kailangan ko to!” Pasigaw kong tugon sa kaniya. Agad naman akong tumakbo palabas ng bahay, walang tigil sa katatawag sa akin si tatay, halos mabasag ang kaniyang boses, hindi ko alam kung dahil iyon sa ubo o dahil sa iyak. Ako nama’y hindi na ito pinansin ang mahalaga ay may maipambili ako ng mahihithit ngayong araw.

Lumipas ang magdamag hindi ako umuwi ng aming bahay, sumama ako sa aking kabarkada upang pumunta sa malalayong lugar, napasabak sa ibat-ibang mga gulo, maging sa sugal ay parang naging pang araw-araw ko nang buhay, inom dito, tagay doon, hit-hit ng shabu magdamag, animoy hindi ako ang taong ito, parang isang demonyong sumapi sa aking pisikal na katawan ang demonyo, maging utak ko ay naimpluwensiyahan at nasakop nito. Ilang buwan ang lumipas, ngayong mga panahon ay mahigpit ang mga pulis dahil sa War on drugs ng pamahalaan, wala kaming kinita, dahil karamihan ay takot na madawit o mas malala pa ay mapatay. Naubusan ako ng pera, naisipan kong umuwi ng aming bahay. “Hoy tanda may pera ka ba dito!?” Pagpasok na pagpasok ko sa pintuan, ngunit walang nagsalita. “Hoy, tanda, tinataguan mo ba ako?” Medyo may pagtataka kong tanong, ngunit wala pa din sumasagot, ang bahay ay mistulang hindi na naaalagaan animoy abandonado na ito, medyo may kasangsangan ang amoy at sobrang alikabok, pumasok ako sa kwarto ng aking ama, laking gulat ko ng nadatnan ko siya doon nakahiga, sobrang payat, walang lakas, parang isang bangkay na humihinga. “Hoy tanda gising.” Medyo naawa ako sa kaniyang kalagayan, nakita ko na medyo naimulat niya ang kaniyang mga mata. “Anak, buti naman at naka---uwi ka na, sobrang saya ko.” Medyo putol-putol niyang sabi. “Hindi na ako magtatagal dito sa mundo, talagang hinintay ko lang ang pagdating mo, dahil gusto kung sabihin na mahal na mahal kita, at pasensiya na dahil hindi kita nagabayan ng maaayos.” Umubo siya pagkatapso noon. “Ngayon magkakasama na kami ng nanay mo, ayusin mo na ang buhay mo, hindi pa huli ang la---ha—t , hu—waag mong kaka—limutan na maha—l na ma—hal kita.” Matapos ng pahayag na iyon ay sumunod ang isang malalim na buntong hininga na kaniya ding pinakawalan. Tiningnan ko ang kaniyang paluspusan walang pumipitik, tiningnan ko ang kaniyang dibdib walang pumipitik, tiningnan ko ang kaniyang leeg walang pumipitik, doon na lamang ako na tauhan na wala na siya, wala na ang taong nagbibigay sa akin ng importansiya, taong pinahahalagahan ako, taong nandiyan palagi sa tabi ko at hindi sumusuko. Kinandong ko ang kaniyang ulo paulit-ulit na sinasabi na “Tay patawarin niyo ako, tay patawarin niyo ako, nagsisi na ako, tay, gising.” Ang pagpatak ng aking mga luha ay walang tigil, parang agos ng isang ilog na ang pagtuyo’t ay imposible, biglang nagbalik ang alala sa aking isip ng katagang binitiwan niya noong akoy sampung taong gulang. “Anak mahal na mahal kita, kahit anong mangyari, ikaw na lang ang tangi kong kayamanan.” Kasabay iyon ng pagpatak ng aking mga luha na puno ng poot at pagsisisi.



Wakas.


30 views0 comments

Comentarios


Post: Blog2_Post
bottom of page